Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan ang matagal nang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao, na nagresulta sa mas mataas na singil sa kuryente sa mga rehiyong ito kumpara sa Luzon.
Ayon kay Gatchalian, ang presyo ng kuryente sa Luzon sa electricity spot market mula Hulyo 26 hanggang Agosto 25 ngayong taon ay P4.80 bawat kilowatt-hour (kWh) kumpara sa P18.59/kWh sa Visayas at P19.56/kWh sa Mindanao.
“Kung saan pa mataas ang poverty rates, sila pa ang nagbabayad ng mas mataas na kuryente. Obviously, its shortage of power,” sabi niya sa pagdinig ng Senado ukol sa iminumungkahing pondo para sa Department of Energy at mga ahensya sa ilalim nito para sa 2027.
Binigyang-diin ni Gatchalian na habang sinusukat ng ERC ang pagiging maaasahan ng mga generation at distribution company gamit ang mga itinakdang pamantayan para mabawasan ang mga power shortage at mapanatiling stable ang power grid, dapat mahigpit na ipatupad ang mga pamantayang ito.
Sinabi rin niya na dapat imbestigahan ng ERC kung may mga gawaing laban sa patas na kompetisyon o sabwatan sa pagitan ng mga generation company para matiyak na walang mga stakeholder na nananamantala o “nilalaro ang sistema.”
Sa Visayas pa lang, nakaranas na ang rehiyon ng 33 na red alert at 96 yellow alert mula Enero 1 hanggang Setyembre 7 ngayong taon. (Dindo Matining)


