WebClick Tracer

Economic managers wala pang desisyon sa excise tax sa petrolyo

Nasa kamay na ng mga economic manager ni Pangulong Bongbong Marcos ang desisyon kung babawasan o sususpendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo nito sa world market.

Sa ambush interview kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na dumalo sa necrological services kay Quirino Rep. Dakila Carlo “Dax” Cua nitong Lunes, September 21 sa Kamara, kinumpirma nito na nagsumite na ang mga ito ng rekomendasyon sa Malacanang para bawasan o suspendehin ang excise tax, dalawang linggo na ang nakakaraan.

“Baka inaaral pa nila. I haven’t gotten an update but they are already studying what will be the proposal or if ever they will or will not recommend to the President,” pahayag ni Garin.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 12361 binigyan ng kapangyarihan ang pangulo na suspendehin ang pagkolekta o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag lumagpas sa $80 ang bawat bariles ng langis sa World Market.

Sa kasalukuyang ay pumalo na sa $107 ang bawat bariles ng langis sa world market dahil sa lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan lalo na nang bombahin ng Houstis Rebel sa Yemen ang oil infrastructure ng Saudi Arabia.

“Ang DOE nag-certified na na pwede na sila magdecide because it has reached the limit already. But I don’t know what the decision yet right now because it will be presented in the committee, by the DBCC (Development Budget Coordination Committee) and then kung anong recommendation nila, depending on, kailangan niya, iassess nila inflation, what’s the impact in the economy, everything else which is not DOE, they will decide. They will decide what the recommendation will be to the president,” paliwanag ni Garin.

Ang nasabing batas ay ginawa ng Kongreso noong Marso 2026 sa kasagsagan ng giyera sa pagitan ng United States (US) at Iran na nagsimula noong Pebrero 29, 2026 na naging dahilan ng krisis sa langis sa bansa.

Sa kasalukuyan ay P10 ang excise tax kada litro ng unleaded gasoline, P6 sa diesel, P3 sa kerosene at P3 bawat kilogram ng Liquified Petroleum Gas. (Bernard Taguinod)