WebClick Tracer

DMW: Walang Pinoy na nasaktan sa missile, drone attacks sa Riyadh

Walang naiulat na Pilipinong nasaktan sa Riyadh, Saudi Arabia matapos ang drone at ballistic missile attacks na inilunsad ng Houthi militants noong Biyernes at Sabado, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon sa DMW nitong Lunes, patuloy na mino-monitor ng ahensya, Philippine Embassy at Consulate ang kalagayan ng mga Pilipino sa Saudi Arabia.

Nakahanda rin umanong tumulong ang mga ahensya sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nangangailangan ng assistance.

Batay sa Houthi military spokesman, isinagawa ang mga pag-atake laban sa ilang target sa Riyadh at mga pasilidad ng Aramco sa Yanbu bilang pagganti sa mga pag-atake sa Sanaa, Yemen.

Samantala, sinabi ng Saudi-led coalition na na-intercept at nawasak nito ang isang ballistic missile na patungo sa Riyadh.

Pinayuhan naman ng DMW ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na manatiling alerto at sundin ang mga safety advisory ng Saudi authorities.

Para sa agarang tulong, maaaring makipag-ugnayan ang mga OFW sa pinakamalapit na Migrant Workers Office o sa DMW hotline 1348. (AM)