WebClick Tracer

Dingdong Dantes nagbigay ng eulogy sa necrological service para kay Quirino Gov. Dax Cua

Nagbigay ng eulogy ang aktor na si Dingdong Dantes para kay Quirino Governor Dax Cua sa ginanap na necrological service, kung saan binalikan niya ang kanilang pagkakaibigan.

Ayon kay Dantes, lingid sa kaalaman ng marami, minsan ding naging artista si Cua.

“Lumabas siya po sa aming programa noong 2007 sa Marimar, wherein he played a cameo role. Napakagaling niyang artista, malalaman mong magaling na artista kung take one lang. Take one lang po si Dax Cua,” ani Dantes sa necrological service sa House of Representatives nitong Setyembre 21.

Kuwento pa ng aktor, matagal na silang magkakilala ni Cua bago pa man ang kanilang pagsasama sa telebisyon.

Nakilala raw niya si Cua sa isang party ng kanilang common friend na si Tita Nelly King.

“Sometime in the early 2000s, I believe it was 2001 or if not, just 2002,” saad ni Dantes.

Naalala rin ni Dantes ang unang impresyon niya kay Cua.

“Noong una, akala ko isa siyang basketball player. Siyempre, matangkad nga, ang lakas ng dating, talagang ‘pag dumadaan siya, lahat ng mga bisita ay talagang lumilingon sa kanya.

“Pero sabi sa sa akin, siya raw pala ‘yung pinakabatang vice governor sa buong Pilipinas noong panahon na iyon. Sabi ko, ‘Uy, astig!’ I was around 21 years old,” sey niya.

Pumanaw ang gobernador ng Quirino na si Dakila Carlo “Dax” Cua nitong Setyembre 15 sa edad na 48, ayon sa Kamara. (IS)