WebClick Tracer

COA: Commissioner Lipana nagsi-sick leave buwan-buwan para magpagamot

Nagsi-sick leave buwan-buwan ang kontrobersiyal na commissioner ng Commission on Audit (COA) na si Mario Lipana.

Nakaladkad si Lipana sa isyu ng flood control projects na nakuha ng kanyang misis na si Marilou Lipana.

Ito ang kinumpirma ng COA sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang budget na si Davao del Sur Rep. John Tracy Cagas sa interpelasyon ni Act Teacher party-list Antonio Tinio.

“Ang status ni Commissioner Lipana, siya po ngayon ay naka-sick leave, on leave dahil po sa karamdaman niya, meron po siyang cancer. Yun naman sa kontrata involving asawa niya, meron na pong ginawang pagsisiyat ang COA, In fact meron na pong notice of disallowance,” ani Cagas.

Hindi nagbigay ng detalye si Cagas ukol sa inisyung notice of disallowance, subalit nakaapela umano ito ngayon sa isang tanggapan sa komisyon.

Kabilang ang pangalan ni Commissioner Lipana sa mga lumutang sa imbestigasyon sa flood control projects dahil mula noong maupo umano ito sa COA noong 2022 , ayon kay Tinio, ay makakuha ng P2.204 billion halaga ng kontrata sa gobyerno ang Olympus Mining & Builders na pag-aari umano ng misis nito na si Marilou.

Sa nasabing halaga P1.1 bilyon dito ay flood control projects na ipinatupad umano sa Bulacan 1st, 2nd at 3rd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways habang ang natitira ang road projects sa iba’t ibang lugar.

Noong 2025 na magsimula ang imbestigasyon sa flood control projects ay nasa Singapore si Commission Lipana dahil nagpapagamot ito kaya tinanong ni Tinio kung hanggang kailan ang sick leave ng nito.

“Yun pong pag-sick leave ni Commissioner Lipana, halos buwan-buwan po ay pumupunta siya sa labas (ng bansa). After that, balik sa duty. After a month punta na naman sa Singapore para magpagamot. Yun po ang status. On and Off,” ani Cagas.

“His condition warrants it, yung karamdaman niya, terminal na yung cancer, final stage yung cancer,” ani Cagas nang humingi si Tinio na paglilinaw sa buwanang sick leave ni Lipana.

Nabatid din kay Cagas na sa Pebrero 2, 2027 ay matatapos na ang termino ni Lipana bilang Commissioner ng COA. (Bernard Taguinod)