WebClick Tracer

Cendaña: Political dynasty ang ugat ng diktadurya

Upang masigurong hindi na mauulit ang martial law na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., iginiit ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña na dapat nang magpasa ang Kongreso ng anti-political dynasty law.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasabay ng paggunita sa ika-54 anibersaryo ng martial law, nitong Lunes, September 21.

“Political dynasty ang ugat ng diktadurya. 54 years ago, dineklara ni Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law para paghariin ang iisang pamilya. He handpicked dynasties as his own cronies to sustain his authoritarian rule,” ani Cendaña.

“Ngayong 2026, naiipit na naman ang taumbayan sa awayan ng dalawang dynasties — ang walang katapusang bangayan ng mga Marcos at Duterte. Their political contest may soon bring back the dominance of one family. But it is not too late. We are not powerless,” dagdag pa nito.

Dahil dito, kailangang aniyang magkaroon na aniya ng makatotohanang anti-political dynasty law sa bansa upang matiyak na hindi na maulit ang martial law na idineklara ng matandang Marcos noong September 21, 1972.

“Dapat isabatas na ng Kongreso ang Anti-Political Dynasty Law at itapon na sa basurahan ng kasaysayan ang mga dinastiyang nagluwal sa Martial Law. We must never forget the lessons of our past. Never again, never forget. End political dynasties now,” dagdag pa ng mambabatas.

Noong June 2026 ay ipinasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon sa anti-political dynasty bill habang nakabinbin naman sa senado ang kanilang counterpart bill.

Gayunpaman, kinontra ng partido nI Cendaña ang bersyon ng Kamara dahil hindi ito totoong anti-political dynasty dahil maaari tumakbo pa rin sa magkakaibang posisyon sa gobyerno taliwas s akanilang panukala na dapat isa bawat pamilya lamang ang puwedeng magsilbi sa gobyerno.

Kamakalawa ay inatasan na rin ng Korte Suprema ang Kongreso na magpasa ng anti-political dynasty bill. (Bernard Taguinod)