WebClick Tracer

Barbers hinamon si VP Sara na maglabas ng ebidensiya sa Banga school shooting

Hinamon ni prosecution team spokesman at adviser Robert Ace Barbers si Vice President Sara Duterte na magpakita ng ebidensiya na kasalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang shooting incident sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato.

Kasabay nito, umapela din si prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kay Duterte na huwag gamitin sa pulitika ang pagdadalamhati ng mga biktima lalo na ang mga kaanak ng mga nasawi sa nasabing trahedya.

“This should not be blamed on the present administration. Dahil una-una kung magbibitaw ka ng ganyang salita ano ang basehan mo? Ano ang iyong ebidensya?,” ayon kay Barbers.

Dapat aniyang maging responsable ang pangalawang pangulo na kapag may alegasyon ito ay dapat may kaakibat itong ebidensya sa halip na basta na lamang mag-akusa ng walang batayan, na karaniwan nitong ginagawa.

“We cannot start solving this problem kung magtuturo tayo nang magtuturo,” paliwanag pa ni Barbers.

Sa panig naman ni Adiong, sinabi nito na dapat igalang ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng mga biktima ng nasabing trahedya imbes na gamitin ang kanilang pinagdaanan para sa atakehin ang mga kalaban sa pulitika.

“Sana ‘wag nating politikahin ito, wag nating i-exploit ang pain at pagdadalamhati ng mga biktima by pointing to the wrong person or assigning the guilt or blame to the wrong person,” pakiusap ni Adiong.

Ayon sa mambabatas, responsibilidad ng lahat ng mga opisyales ng gobyerno na suportahan at isinagawang imbestigasyon sa nasabing trahedya at suportahan ang pamilya ng mga biktima at mga apektadong komunidad. (Bernard Taguinod)