WebClick Tracer

Alvarez kinuwestiyon ang DOE sa kawalan ng agarang solusyon sa Visayas power crisis

Hindi naitago ni House Committee on Energy Chairman at Palawan Rep. Jose “Pepito” Alvarez ang kanyang pagkadismaya sa Department of Energy (DOE) dahil sa kawalan umano ng agarang aksiyon sa power crisis sa Visayas region.

“Wala silang immediate solution,” deklara ni Alvarez sa pagdinig kasama ang Committees on Visayas Development at Legislative Franchises, hinggil sa krisis sa kuryente sa nasabing rehiyon na iniinda na ng mga consumers.

Kinuwestiyon ni Alvarez kung bakit patuloy na nakakaranas ng yellow at red alert ang Visayas region sa kabilang ng interconnected grid.

“Bakit Red and Yellow? Bakit Mindanao plants di maka-supply? Bakit Luzon di maka-supply?” tanong ni Alvarez.

Ayon kay DOE Undersecretary Mario Marasigan, ang magkakasunod na outages sa mga major power plants sa Mindanao ay naging dahilan kung bakit limitado ng kuryente naibibigay sa Visayas region.

Inamin ni Marisagan na hanggang 50 megawatt ang naita-transfer sa Visayas dahil marami umano sa planta ng kuryente ay nagkaroon ng outages bukod sa kawalan umano ng conventional and baseload generation partikular na sa Negros.

“Negros walang baseload except for isang geothermal. Puro renewable—solar. Kulang conventional plants,” ani Marasigan.

“Pag may planta na nag-outage, kulang na po tayo,” dagdag pa ng opisyal kaya pinagtutuunan aniya ng mga ito ng atensyon na mabalik ang mga planta na pumalya.

“Ang importante, makabalik agad yung mga planta na naka-out,” dagdag pa ng opisyal subalit aminado ito na magpapatuloy ang yellow at red alerts hanggang sa huling linggo ng Oktubre dahil sa kakulangan ng supply.

Dahil dito, hindi naitago ni Alvarez ang pagkadismaya dahil hirap at apektado na aniya ang mga consumers sa kawalan ng sapat na supply ng kuryente. (Bernard Taguinod)