Kabado pa rin bago humarap sa entablado ang premyadong aktres at comedy icon na si Mitch Valdez sa kabila ng kanyang mahigit limang dekada nang pagpapatawa, pag-arte at pagkanta sa mundo ng showbiz.
Kung iisipin, ang pagtatanghal sa telebisyon man o entablado ay napakanatural na lang kay Valdez na nagsimula sa murang edad na 19 bilang komedyante.
Pero sa bawat pagharap sa kanyang audience, “I still have stage fright. Horrible, horrible stage fright,” sabi ni Valdez sa panayam sa “Sessions With Brian Yamsuan” sa Bilyonaryo News Channel.
Paliwanag ni Valdez, hindi niya alam kasi kung anong klaseng audience ang kanyang makakaharap kaya’t kahit beterana na siya sa entertainment industry, kinakabahan pa rin siya bago mag-perform.
Nagsimula si Valdez sa showbiz sa TV comedy program na Super Laff-In na simulang pinalabas noong 1969 sa ABS-CBN. Ang batikang direktor na si Peque Gallaga ang naging tulay para makasama sa cast ng show si Valdez.
Kwento pa ni Valdez na si Gallaga ang nagbinyag sa kanya ng pangalang Maya dahil daw ang kanyang tunay na pangalang Mitch ay masyadong tunog-banyaga noong mga panahon na ‘yon. Bago daw napagpasyahang tawagin siyang “Maya,” pati daw ang pangalang “Virgie Valdez” ay napag-isipang gamitin din bilang kanyang screen name. “Just call me VV,” pabiro pang sabi ni Valdez.
Hindi na raw nais ni Valdez na bumalik pa sa kabanatang iyon ng kanyang buhay na hindi tunay na pangalan niya ang ginamit nang siya ay mag-artista. Dapat daw ay maging “authentic” o totoo. “Because this is me. That’s why you will last 55 years,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagiging all-around entertainer sa teatro, telebisyon at pelikula, kilala rin si Valdez bilang pangunahing boses sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga kasapi sa entertainment industry.
Isa sa matinding pinaglalaban ni Valdez ay ang karapatan ng mga artista, mang-aawit at iba pang nagtatrabaho sa entertainment industry na mabigyan ng sapat na sahod at mga benepisyo, tulad rin ng matagal ng adbokasiya ni Cong. Brian Yamsuan.
Si Valdez rin ang tumatayong lider ng grupong OPM Friends, na nabuo kasama ang iba pang mga sikat na mang-aawit, para matulungan ang mga matatanda at maysakit sa industriya ng showbiz.
“There is this other side of society. Hindi ko kayang may makita akong nangangailangan ng tulong, na hindi ka tumulong. Masakit, parang nakaka-guilty,” ayon kay Valdez.
Ang pinakamatinding pagsubok noon para sa mga miyembro ng entertainment industry ay nang panahon ng pandemya, ayon kay Valdez. Masuwerte pa nga daw siya at may mga kaibigan siyang tumulong para siya ay mabigyan ng trabaho sa mga online concerts. Pero marami na umaasa lang sa sahod mula sa mga gig ang nawalan ng kita, tuluyan nang naghirap at nagkasakit pa.
“Heartbreaking when you see people actually dying because of old age or because they can’t afford medical help. So that’s how OPM Friends started,” paliwanag pa niya.
Sa kabila ng pagiging premyadong dramatic actress at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kapwa artista, malaking bahagi pa rin ng career ni Valdez ay bilang pagiging komedyante. Maging sa kanyang mga pagtatanghal ngayon bilang concert artist, inaasahan pa rin ang kanyang pagpapatawa.
Para kay Valdez, ano nga ba ang kailangan para maging magaling sa comedy?
“I don’t think this answer will be very popular–it’s intelligence,” sabi ni Valdez. Kailangan daw ang talino para makita ng isang komedyante ang buong sitwasyon at humugot ng ideya na madadama at makakakonek sa kanyang audience.
“To be able to be funny, para yang maskara na may crying and laughing. To be able to be funny, you have to have had to cry first. Then that’s when you can laugh about what you are crying about. If it’s just all funny, baliw ka,” ayon pa kay Valdez.
Panoorin ang buong kuwentuhan sa nakakaaliw at makulay na buhay ni Valdez sa Sept. 18 episode ng “Sessions With Brian Yamsuan” Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang “Sessions With Brian Yamsuan” tuwing Biyernes ng 10:30 PM sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, Converge Channel 74, Skycable Channel 33, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at mapapakinggan sa 94.7 FM-Ang Best Friend Mo.


