Nasawi ang isang babae matapos umanong saksakin ng kaalitang lalaki na kapitbahay niya sa Sitio Malabon, Barangay Salawag, Dasmariñas City, Cavite nitong Sabado ng gabi, Setyembre 19.
Batay sa na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang lapitan ng suspek ang biktima habang bumibili ito ng pagkain malapit sa kanilang bahay.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa bago naglabas ang suspek ng isang patalim at inundayan ang biktima.
Ayon sa pulisya, may dati nang alitan ang biktima at suspek na nagsimula pa sa isang pagtatalo noong sinusundang araw.
Nabatid din na umano’y may mga hindi magandang pahayag na ipinapakalat ang biktima tungkol sa suspek.
Agad rumesponde ang mga awtoridad at patuloy ang follow-up investigation at operasyon para sa ikadarakip ng tumakas na suspek. (Ronilo Dagos)


