WebClick Tracer

Niño Muhlach binawian ng lisensya matapos mang-araro sa Antipolo

Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ni Niño Muhlach sa loob ng dalawang taon matapos mabangga ang ilang establisimyento sa Marcos Highway, Antipolo City noong Agosto.

Ayon sa LTO, lumabas sa imbestigasyon at pagdinig na nakaranas ng matinding pagod si Muhlach bago mawalan ng kontrol sa minamaneho niyang sasakyan, dahilan upang bumangga ito sa tatlong establisimyento.

Napaulat ding natamaan ng sasakyan ang isang nakaparadang motorsiklo at nakasugat ng isang indibidwal.

Dahil dito, napatunayang may pananagutan ang aktor sa paglabag sa reckless driving at idineklarang improper person to operate a motor vehicle, na naging batayan sa pagpapataw ng dalawang taong pagbawi ng lisensya.

Nananatili namang nasa alarm status ang naturang sasakyan upang matiyak ang pagpapatupad ng ipinataw na kaparusahan at maiwasan ang anumang transaksyon.

Iginiit ni LTO Chief Markus Lacanilao na seryoso ang ahensya sa pagpapatupad ng batas-trapiko, lalo na sa mga paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa iba.

“Ipatutupad natin ang kaukulang kaparusahan batay sa resulta ng imbestigasyon at pagdinig, anuman ang katayuan ng sangkot,” ani Lacanilao.

Nauna nang inamin ni Muhlach na nakatulog siya sa likod ng manibela habang nagmamaneho. (AC)