Inihayag ni International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner na hindi nila nakikitang susundin ang set-up na iminungkahi ng Registry para sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ikatlong status conference nitong Miyerkoles, sinabi ni Korner na hindi nila nakikitang sundin ang panukala ng Registry na hati-hatiin ang mga pagdinig at lagyan ito ng mga break.
“The Registry has taken the view that we’re going to have what has become, I’m afraid, ultra common in this court, sitting schedule then breaks,” ani Korner.
“At the moment, we are not minded to do that. We are intending to sit through—we start on November 30th and then end, I think, it’s the middle of the week, before the Christmas break,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Korner na kailangang mapabilis hanggat maaari ang pag-usad ng paglilitis.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis ni Duterte sa Nobyembre 30.
Nananatiling nakadetine si Duterte sa The Hague, Netherlands habang humaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay noong siya ay Pangulo at alkalde ng Davao City.
Unang beses naman niyang personal na dumalo sa pagdinig ng ICC ngayong araw matapos maaresto noong Marso 2025. (AC)


