Pinayuhan ni International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III Presiding Judge Joanna Korner ang prosekusyon na pag-isipang bawasan ang bilang ng mga testigong ihaharap nito sa crimes against humanity case ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ikatlong status conference nitong Miyerkoles, sinabi ni Korner na humihingi ang prosekusyon ng 193 oras para ilahad ang kanilang kaso, na aniya’y “very lengthy period of time”.
“You may want to think about whether it is possible to reduce the number of witnesses, as I say,” ani Korner.
Binanggit din niya na may apat na eksperto sa parehong paksa ang prosekusyon.
“It really is important… that we conclude the case as quickly as possible. I think you may want to think long and hard about this,” dagdag niya.
Ayon kay ICC trial lawyer Edward Jeremy, maghahanap ng mga paraan ang prosekusyon upang paikliin ang kanilang presentasyon, gayong ang hiling na 193 oras ay “reduced version” na umano.
Gayunman, nilinaw ni Korner na hindi pa magdedesisyon ang Trial Chamber sa ngayon.
Personal na dumalo si Duterte sa status conference sa unang pagkakataon ngayong araw. Nakadetine siya sa ICC Detention Centre sa The Hague, Netherlands, matapos maaresto sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Marso 2025. (AC)


