Binigyang-pugay ng Ateneo de Manila University sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isa pang paraan nitong Miyerkoles, Setyembre 16, 100 araw matapos silang masawi sa isang trahedya sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Suot ng Blue Eagles ang “DA | RB” patches nang dominahin ang University of the East, 101-74, sa kanilang unang laro sa UAAP Season 89 men’s basketball ngayong araw.
Kabilang sa mga nanood sa laro ang mga pamilya nina Baterbonia at Adili.
Pinangunahan ni Kieffer Alas ang laban matapos magtala ng 24 puntos, apat na rebounds at isang assist sa kanyang collegiate game debut. Nagdagdag naman si Jared Bahay ng 17 puntos, dalawang assists at dalawang rebounds.
Mula sa dikit na 25-23 iskor sa unang bahagi ng second quarter, pinangunahan nina Alas at Travis Roberts ang 16-1 run ng Ateneo upang lumobo ang lamang nito bago ang halftime.
Sinubukan ni Toper Lagat na buhayin ang laban ng UE sa third quarter matapos ilapit sa 64-50 ang iskor, ngunit hindi na nakalapit pa ang Red Warriors.
Tuluyang kumawala ang Ateneo at umabot sa 38 puntos ang pinakamalaking lamang nito bago maselyuhan ang panalo. (AC)


