WebClick Tracer

Kamara tiniyak hindi tatapyasan pondo para sa edukasyon, kalusugan, social services

Mga empleyado at opisyal sa loob ng gusali ng Mababang Kapulungan matapos ang balitang work-from-home ng Kamara tinapos na.

Tiniyak ng Kamara de Representantes na hindi nito tatapyasan ang pondo para sa edukasyon, kalusugan at social services sa paghahanap ng pondo upang madagdagan ang panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2027.

Sinabi ni House Committee on Appropriations Vice chairperson at Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. na ang anumang karagdagang pondo para sa DPWH ay sa halip magmumula sa iba pang ahensya ng gobyerno na nagpapatupad din ng mga infrastructure project.

“In short po, kung maglipat man ng pondo sa DPWH, ito’y galing po sa mga ahensya na nag-i-implementa rin ng imprastruktura,” sabi ni Momo sa isang press briefing nitong Miyerkules.

“Rest assured po that nothing that goes to DPWH will be taken away from education, health, and social services,” dagdag pa ng solon. “Hindi namin gagawin mga ’yon po. Dadagdagan pa nga natin ’yon.”

Sinabi ni Momo na hindi nakikita ng Kamara ang pangangailangan na kailangang mamili sa pagitan ng pagtugon sa mga pangangailangan ng bansa sa imprastruktura at pagbibigay ng sapat na pondo para sa mga paaralan, ospital, at mga programa para sa social protection.

Ayon sa solon susuriin ng Kamara ang mga ahensyang nagpapatupad ng imprastraktura na may kasaysayan ng mababang absorptive capacity upang matukoy kung saan maaaring kunin ang karagdagang pondo para sa mga proyekto ng DPWH.

“Ang kukunin lang natin, kung saan ’yung imprastruktura na mga ahensya na nag-i-implementa ng imprastruktura na hindi nila, sa tingin namin, historically, na ’yung kanilang absorptive capacity ay hindi masyado mataas, doon natin titingnan na puwede nating makuhanan,” dagdag pa ni Momo. (Billy Begas)