WebClick Tracer

Bagong P60 dagdag-sahod sa Metro Manila inaprubahan

Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang bagong P60 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang Wage Order No. 28 ay inaprubahan noong Setyembre 7 at ipinasa na sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa kaukulang kumpirmasyon.

Sinabi ni NCR RTWPB at DOLE NCR Regional Director Roy Buenafe na kasalukuyang nasa NWPC ang wage order para sa karagdagang proseso ng komisyon.

Kung makukumpirma ng NWPC, inaasahang mailalathala ang wage order sa Setyembre 11 at maaari itong magkabisa sa Setyembre 26 o 27.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, isinagawa ng wage board ang hakbang upang madagdagan ang kita ng mga manggagawa habang nakabinbin pa ang legal na usapin hinggil sa naunang Wage Order No. 27.

Nilinaw ni Tolentino na ang P60 dagdag-sahod sa ilalim ng Wage Order No. 28 ay hindi pagbawas sa P85 increase na itinakda sa Wage Order No. 27.

Aniya, hindi pa naman naipatutupad ang P85 wage hike dahil sa kasalukuyang legal na proseso.

Matatandaang pinahinto ng Pasig Regional Trial Court ang pagpapatupad ng Wage Order No. 27, na magkakaloob sana ng P85 dagdag-sahod sa mga minimum wage earner sa Metro Manila. (IS)