Pinanindigan na ng social media influencer na si Bea Borres ang pagiging “gatasera ng taon”. Kung hindi aniya magsusustento ang ama ng kanyang anak, isasama na lang niya ito sa kanyang mga content bilang “hot ex” upang kumita ng salapi.
Tinaasan nga kasi ng kilay ng mga netizen ang tila pakikipagbalikan niya sa kanyang ex na si Meray Yamada, nang makita silang magkasama sa isang vlog.
“You don’t wanna give me money, so gagatasan na lang kita,” say ni Bea sa isang video clip with her ex.
Dito ay sinubuan pa niya ng cake si Meray.
“Para mag-away kayo ng babae mo, kasi ang tagal ng karma!” wika pa ni Bea.
Ginulat nga ng aktres ang socmed nang bigla itong umamin na buntis noong Agosto 2025. Nagkaroon sila ng anak ni Meray na pinangalanan niyang Victoria Hope o Hopea. Ngunit hindi sila humantong sa kasalan o live-in man dahil ani Bea, babaero si Meray. Hindi nga raw ito nag-aabot sa kanya ng panggastos para sa anak nila.
Nakaisip ng paraan si Bea. Napansin niya kasing mataas ang engagement kapag magkasama silang dalawa sa mga vlog, kaya sinakyan na nito ang trend.
Pero nilinaw niyang hindi nga sila nagkabalikan at kahit co-parenting setup ay wala silang ganoon. Mag-isa niyang pinapalaki si Hopea.
“Gatasan serye suggest next vid tnx,” panibagong post ni Bea nitong Setyembre 8. Dito ay makikitang pumunta siya sa isang basketball game ni Meray at todo-cheer kasama pa ang anak nilang si Hopea.
“Hirap kumita ng money,” reaksyon pa niya sa kanyang post.
“Ang atake natin lagi sa Gatasan Serye is a hot ex. Because being a girlfriend is temporary but being the hot ex is forever,” deklarasyon pa ni Bea.
Napapa-“eeww”, “yuck”, “what am I doing” pa nga si Bea habang ginagawa ang vlog niya na iyon.
Ayaw niya kasing isipin ng mga netizen lalo na ng kanyang mga close friends gaya nina Andrea Brillantes at Senyora na ginagawa niya lahat ng ito para lang magkabalikan sila ni Meray.
Ginagatasan niya lang ang kanyang ex para may panggatas siya sa baby girl nilang si Hopea. (Jun Lopez)


