WebClick Tracer

Trabaho sa gobyerno, number coding suspendido sa Baguio

Suspendido simula alas-12 ng tanghali nitong Huwebes, Setyembre 3, ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Baguio City dahil sa epekto ng habagat.

Ayon sa Baguio Public Information Office, naglabas si Acting Mayor Faustino Olowan ng Executive Order No. 133 dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Northern Luzon, kabilang ang Baguio.

Maaari umanong magdulot ang masamang panahon ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang rain-induced hazards.

Mananatili namang may sapat na tauhan ang mga tanggapang may kinalaman sa emergency services at disaster risk reduction and management upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang serbisyo.

Suspendido rin ang trabaho sa mga local office ng national government agencies na hindi nagbibigay ng critical emergency services, depende sa clearance o conformity ng kanilang regional o central offices.

Samantala, ipinaubaya sa mga pinuno ng pribadong kompanya at tanggapan ang pagsususpinde ng trabaho.

Sinuspinde rin nitong Huwebes ang number coding scheme sa Baguio City. (AC)