WebClick Tracer

Poa, Acosta, Ortonio pinatatag confi funds impeachment article – Barbers

Kung mayroong nagpalakas pa sa kaso ng prosecution team sa confidential funds article sa impeachment trial, ito ay walang iba kundi ang mga sariling tauhan ni Vice President Sara Duterte na isinalang ng mga ito bilang “hostile witness”.

Pahayag ito ni House prosecution spokesman at adviser na si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang tinutukoy ay sina Atty. Michael Poa, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio ng Office of the Vice President.

“Ang aming pananaw ay matibay, mabigat at napalakas pa ng gusto ang aming kaso nang mag-testigo o nagbigay ng testimonya yung ating mga tinatawag na hostile witnesses,” pahayag ni Barbers.

Unang sinabi ni Acosta na wala siyang pagpapel sa pagdisburse sa confidential funds ng OVP dahil ibinigay niya ang pera kay Col. Raymund Dante Lachica base sa utos sa kaniyang boss na Duterte.

Maging Ortonio ay umamin na wala alam kung papaano ginamit ang confidential funds ng OVP habang si Poa, ayon kay Barbers ay umamin din na siya lamang ang pinasagot sa Audit Observation Memorandum (COA) ng Commission on Audit (COA) hinggil sa confidential funds ng DepEd kung saan siya ay spokesman.

“Pero inamin naman niya (Poa) na wala siyang personal knowledge kung papanano talagang ginastos yung para o yung confidential funds. Siguro ang mas mahalaga ay lumabas din na yung mga taong pinagkunan niya na information, ay wala rin personal knowledge,” paliwanag ni Barbers.

“That strengthens the allegations of misuse, misappropriation at saka yung irregular liquidation dito sa confidential funds,” dagdgag pa ni Barbers.

Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na mas lalakas ang kanilang kaso sa susunod na linggo dahil maghaharap ang mga ito ng mga testigo na bubuo umano sa larawan kung saan napunta ang confidential funds. (Bernard Taguinod)