WebClick Tracer

Pagtaas ng Taal Lake water level ikinabahala; Pansipit River dredging isinusulong

Ikinababahala ng mga opisyal ng Taal Lake Aquaculture Alliance, Inc. ang patuloy na pagtaas ng tubig sa Taal Lake na maaari umanong magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar.

Ilang bahagi na ng circumferential road sa Tanauan ang umaabot sa halos kalahating metro ang lalim ng tubig, habang naaapektuhan na rin ang ilang fish port at establisimyento sa Talisay dahil sa tubig at malalaking alon.

Batay sa grupo, mahigit isang metro na ang itinaas ng lebel ng Taal Lake kumpara sa normal na kondisyon, kaya mas mataas ang panganib sa mga komunidad at imprastraktura na malapit sa lawa.

Mas pinangangambahang lumala ang sitwasyon sakaling magkaroon ng malakas na bagyo, na maaaring magdulot ng mas matinding pagbaha at makaapekto sa kabuhayan ng mga residente.

Bilang solusyon, isinusulong ang dredging o paglilinis sa Pansipit River, na may tinatayang walong kilometrong haba mula Agoncillo hanggang Balayan Bay sa Lemery.

Ang Pansipit River ang tanging ilog na nag-uugnay sa Taal Lake at Balayan Bay, at matagal nang bahagi ng kasaysayan at kabuhayan ng mga bayan ng Lemery, Agoncillo, San Nicolas at Taal.

Layunin ng panawagan na alisin ang mga sagabal sa ilog at makatulong na mapabilis ang pag-agos ng tubig palabas ng Taal Lake, bago pa lumala ang sitwasyon. (Ronilo Dagos)