WebClick Tracer

P106.8M marijuana nasabat sa yacht sa Subic

Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P106.8 milyong halaga ng hinihinalang high-grade marijuana sa isang sailing yacht na nakadaong sa Subic Bay Yacht Club sa Zambales nitong Miyerkoles, Setyembre 2.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), isinagawa ang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) matapos umanong makatanggap ng impormasyon noong Martes.

Nadiskubre umano ng mga mekanikong nagkukumpuni ng generator at makina ng yacht ang mga nakatagong hinihinalang ilegal na droga.

Dakong alas-7 ng gabi noong Miyerkoles, isinagawa ng mga operatiba ang boarding at inspeksyon sa sasakyang pandagat, kung saan nakumpiska ang kontrabando na tinatayang may bigat na 89 kilo.

Dinala sa boathouse ng Subic Bay Yacht Club ang mga nakumpiskang gamit para sa imbentaryo.

Nitong Huwebes, nagbigay rin ang PCG ng security escort sa transportasyon at turnover ng mga nakumpiskang item sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon. (AC)