Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na mabubuksan na ang MRT-7 sa ikalawang quarter ng 2027 o sa pagitan ng Abril hanggang Hunyo ng nasabing taon.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa P302 bilyon na budget ng DOTr sa susunod na taon, sinabi ni Lopez na wala ng urungan ang pagbubukas ng MRT-7 na sinimulang itayo noong Abril 2016.
“Pagdating po sa 12 stations po mula sa Sacred Heart hanggang North Avenue po, tatayuan po at paninindigan po ng gagawaran ng transportasyon na ito po ay magbubukas mga second quarter of 2027,” ani Lopez sa interpelasyon ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña.
Ang MRT-7 ay may 14 stations subalit ang ika-13 na nasa Tala, Caloocan City at ika-14 sa San Jose del Monte City, Bulacan ay hindi muna aniya maisasama sa operasyon ng MRT.
“Ang kabuuan kasi ng MRT-7 ay 14 stations. May maiiwan po na 2 station. Ito po ang 13th and 14th stations , yung sa may Caloocan at sa may San Jose Nel Monte. Pero pagdating po sa 12, talaga pong hindi lang namin titiyakin, tatayuan pa po namin yung ang aming unang sinabi na ito po ay magbubukas. At magiging revenue operation na po by second quarter of 2027,” ani Lopez.
Ayon kay Cendaña, hindi lamang ang mga taga-Bulacan ang excited sa pagbubukas ng MRT-7 kundi maging ang mga taga-North Caloocan at Quezon City dahil matagal na aniyang itong hinintay.
Kabilang sa mga istasyon na magbubukas ay North Avenue na nagsisilbing common station, Quezon Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Doña Carmen, Regalado Avenue, Mindanao Avenue, Quirino Avenue at Sacred Heart.
Inaaayos na rin aniya ang common stations sa North Avenue kung saan nagsasalubong ang MRT-7, MRT-3 at Light Rail Transit (LRT) 1. (Bernard Taguinod)


