Upang mas maproteksyunan ang mga kabataang estudyante, isasama na umano ang komunidad sa paligid ng isang eskuwelahan sa asosasyon ng mga magulang at guro o ang Parents-Teacher Association (PTA).
Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay na sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) 10768 na inisponsor ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla na nag-aamyenda sa Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code para isama na ang komunidad sa nasabing asosasyon ng mga magulang at mga guro sa mga public schools.
Kapag tuluyang naging batas ang nasabing panukala, magiging Parents, Teacher, Community Association (PTACA) na ang PTA, na napapanahon aniya sa gitna ng mga nakaraang karahasan sa mga eskuwelahan.
“These incidents should remind us that the safety and well-being of our children cannot be the responsibility of schools alone. Parents and communities must also be actively involved in creating an environment where our children feel safe, protected and heard,” ani Mercado-Revilla.
Naniniwala ang mambabatas na kailangang maisama na sa asosasyon ang mga komunidad sa paligid ng isang eskuwelahan upang pagpatulungan ng mga ito na protektahan ang kaligtasan ng mga kabataan, hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng paaralan.
Sa kasalukuyang sistema, hindi lamang ang kapakanan ng mga estudyante at guro ang pinagsisilbihan ng PTA subalit maging ang mga komunidad sa paligid ng kanilang paaralan kaya panahon na aniya para isama na ang mga ito sa nasabing asosasyon.
“This measure corrects that gap by anchoring the vital home-school-community partnership firmly in law. By giving our PTCAs a clear legal foundation, expanded representation, and a defined role in child protection, we strengthen the very systems that nurture and safeguard our learners every day,” ani Mercado-Revilla.
Inaasahan na isasalang na ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala susunod na linggo at umaasa ang mambabatas na maipasa ang bersyon ng Senado sa lalong madaling panahon para maipatupad ito agad. (Bernard Taguinod)


