WebClick Tracer

Ryan Bang bumuhos ang luha, nanghinayang sa TOTGA na si Yeng Constantino

Hindi na napigilan ni TV host Ryan Bang na tumulo ang luha sa noontime show nila nang magpasalamat ito kay Vice Ganda dahil isinama siya ng huli sa katatapos na concert ni Yeng Constantino. Nanariwa aniya ang alaala niya sa nakaraan nila ng singer, at na-realize niya na TOTGA niya ito.

Matatandaang nag-viral ang eksena sa “Biyaheng Bente” concert ni Yeng nitong Agosto 29 kung saan hinarana ng una si Ryan na isa sa mga nanoood roon. Ikinuwento rin ni Yeng na crush na crush niya noon ang Korean at wala siyang paki kung wala itong pera basta’t magkasama lang sila. Iyon nga lang, hindi sila ang nagkatuluyan dahil may asawa na ngayon ang singer.

Kilig na kilig naman ang audience sa pagbabalik-tanaw ni Yeng. Nitong Miyerkoles sa noontime show nila ay nakapaglabas ng kanyang saloobin si Ryan sa eksenang iyon.

“Thank you Mami kasi sinama mo ako sa concert ni Yeng. Na-flashback sa akin lahat,” ani Ryan.

“It was one of my best moments,” wika pa nito.

Napansin na ng kanyang mga co-host, partikular na si Vice Ganda, na nagingilid na ang luha ni Ryan, hanggang sa bumuhos na nga ang luha nito.

Agad naman siyang nilapitan at niyakap ng kanyang ina-inahan na si Vice.

“Hindi… kasi sabi ko, Mami, makakahanap kaya ako ng…siyempre tulad ni Yeng,” pagbabahagi pa ni Ryan.

“Nu’ng umpisa ako, wala akong pambayad ng date. Wala akong kotse. ‘Di ba? Wala akong pera. Paulit-ulit ‘yung damit ko, pero minahal… may chance pala ako sa kanya.

“Makakahanap kaya ako ng gano’n?” tanong pa ni Ryan kay Vice.

“Hindi ka makakahanap, ikaw ang hahanapin ng pag-ibig. Kaya hindi mo kailangang maghanap.

“Love will find you. Just wait,” payo naman ng Unkabogable Star sa kanyang anak-anakan.

Kita naman ang pag-alalay at pagmamahal ng kanyang mga co-host kay Ryan, na nakita rin sa live na mga nagpupunas na rin ng kani-kanilang mga luha at nadala sa pag-iyak ng Korean.

Dahil din sa pahayag na iyon ni Ryan, masasabing TOTGA niya talaga or “the one that got away” si Yeng. (Jun Lopez)