Ipinag-utos ng National Police Commission (Napolcom) sa Inspection, Monitoring and Investigation Service nito na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa reklamo ng 20 taong gulang na estudyante na kinilala sa alyas na “Ace”.
Ang reklamo ay laban kay Police Senior Master Sergeant Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station ng Cavite dahil sa umano’y assault at death threat.
Ayon kay Ace, nangyari ang insidente noong Agosto 27, bandang alas-11:30 ng gabi, sa kahabaan ng Governor’s Drive sa Barangay San Agustin, Trece Martires City, matapos siyang mag-U-turn sa unahan ng sasakyan ni Almonidovar.
Binangga umano ng nasabing pulis ang kanyang motorsiklo, sinaktan siya, pinukpok ng baril, minura at pinagbantaang papatayin.
Ayon pa kay Ace, dinala rin sila ng kanyang kasama na si alyas “Andrie”, 19 taong gulang, sa himpilan ng pulisya kung saan sinubukan umanong aregluhin ang insidente.
Sa isinagawang breathalyzer test, lumabas umano na nakainom ng alak si Almonidovar.
Sinabi ni Commissioner Ralph Calinisan na maaaring maharap si Almonidovar sa mga kasong administratibo gaya ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Dagdag niya, maaari ring matanggal sa serbisyo ang pulis kapag napatunayan ang mga paratang sa imbestigasyon.
Inatasan ni Calinisan si Almonidovar at ang imbestigador na may hawak sa kaso na humarap sa Napolcom sa Setyembre 3 bilang bahagi ng pagkalap ng impormasyon ng komisyon. (IS)·


