Game ang prosecution team sa buong araw na paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa Oktubre upang mas mapabilis ang proseso at hindi maapektuhan ang pagpapatibay sa 2027 national budget.
“Wine-welcome po natin ‘yon. Alam natin na, siyempre, may time element diyan,” ani Deputy Speaker Paolo Ortega matapos ang ika-21 araw ng impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.
“Maganda rin po ’yung bagong schedule. I mean, mas nakakapagod, pero mas marami pong matatapyas siguro na araw dahil buong araw na nga po ’yung ibibigay,” ani Ortega.
Bago natapos ang paglilitis, sinabi ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na ikinokonsidera ang buong araw na paglilitis sa Oktubre 1 at 2, maging sa 5 at 9, 12 hanggang 15.
Itinakda ang paglilitis mula alas-diyes ng umaga hanggang gabi at matapos ito ay ititigil ang paglilitis dahil sisimulan na ng House committee on finance ang dileberasyon sa 2027 national budget at muling itutuloy sa November 9 hanggang 16.
“Handa naman po ’yung House prosecution panel to, of course, present the evidence given the new schedules,” ayon naman kay prosecutor at Bicol Saro party-list Rep, Terry Ridon.
“So tingin ko makakapagsalang po kami ng mga, I guess, at the very best, mga tatlo pong witnesses sa kada araw po na ’yan, kung direct, cross, and ’yung mga questions po ng mga senator-judges,”ani Ridon.
Unang plano ng prosecution na tapusin sa susunod na linggo ang paglilitis sa confidential funds article at agad na isunod ang article 2 o unexplained wealth kung saan target na matapos sa loob ng apat na linggo.
Subalit ayon kay prosecution spokesman Robert Ace Barbers, mas mapapabilis ang paglilitis kung papaya ang defense sa stipulations on facts na iminumungkahi ng mga ito sa confidential funds article upang hindi na kailangang magdagdag na mga witness at hindi na kailangang iharap ang Special Disbursing Officer (SDO) ng Department of Education (DepEd) na si Edward Fajarda na unang inulat sa impeachment na nagkaroon ng stroke.
“At siyempre, lalong bibilis ito kapag sumang-ayon ang ating kabilang panig, which is the defense, doon sa pino-propose ng prosecution for stipulation,” ani Barbers. (Bernard Taguinod)


