WebClick Tracer

Pampanga, NLEX kapit-bisig para sa mabilis na paghupa ng baha, trapiko

Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at ang Pampanga Mayors’ League (PML) sa pamunuan ng NLEX Corporation upang makatulong sa mga hakbang na magpapabilis sa paghupa ng baha sa expressway at maibsan ang matinding trapikong nararanasan ng mga motorista.

Personal na ininspeksiyon nina Vice Governor Dennis “Delta” Pineda at PML President and Apalit Mayor Jun Tetangco ang sitwasyon sa NLEX upang matukoy kung anong tulong ang maaaring maibigay ng kapitolyo at mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa Pampanga PIO, patuloy na nahihirapang lumabas ang tubig mula sa expressway dahil mataas pa rin ang baha sa mga kalapit na lugar.

Base sa NLEX advisory as of September 2, patuloy ang pagbaha sa bahagi ng Tulaoc at San Simon Interchange.

Bukas sa lahat ng klase ng sasakyan ang Lane 1 habang para lamang sa Class 2 at Class 3 vehicles ang Lane 2.

Ang Lane 3 naman ay hindi pa madaanan dahil sa baha.

Asahan pa rin umano ang mabigat at mabagal na daloy ng trapiko sa lugar.

Samantala, maaari umanong dumaan sa mga alternatibong ruta ang mga motorista.

Para sa mga southbound motorists mula TPLEX o SCTEX/Tarlac, pinapayuhang dumaan sa Central Luzon Link Expressway (CLLEX) patungong Maharlika Highway upang makaiwas sa bahaging binabaha sa San Simon.

Para sa mga northbound motorists, maaari ring gamitin ang Maharlika Highway patungong CLLEX bilang alternatibong ruta, depende sa kondisyon ng mga lokal na kalsada.

Pinapayuhan ang lahat ng motorista na maglaan ng dagdag na oras sa biyahe, bantayan ang pinakahuling NLEX traffic advisories at umiwas muna sa mga bahaging matindi ang pagbaha kung hindi kinakailangang bumiyahe. (IS)