Nanindigan si Atty. Michael Poa nitong Miyerkoles, Setyembre 2, na wala siyang kinalaman tungkol sa confidential funds ng Department of Education (DepEd) kahit na nagsilbi siyang chief of staff at undersecretary sa ilalim ng pamumuno noon ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng ahensiya.
Sa ika-21 araw ng impeachment trial, sinabi ni Poa na ang mga dokumento nagpapakita ng responsibolidad sa paghawak ng confidential funds ay nasa kamay ng special disbursing officer at ng security officer.
“I understand the people who are asking, or who are thinking, “Imposible naman na hindi niya alam, COS siya.” But, anyone who has worked with the Vice President would know that when she runs an office, it’s highly compartmentalized. No? So ibig sabihin, kung anong binigay sa ‘yo na function, ‘yun lang ‘yung tututukan mo,” paliwanag ni Poa matapos tanungin ni Senator-judge Imee Marcos.
“Yung binigay po sa akin na mandato n’ung when I finally became her Chief of Staff in April, kung tatandaan natin ‘yung confidential funds, it started way before I became Chief—Chief of Staff. So nung naging Chief of Staff niya po ako, ang sabi lang niya sa akin, siguruhin mo hindi nag-aaway-away ang mga USecs na ‘yan, siguruhin mo maayos ‘yung palakad,” sambit pa niya.
Si Poa ay nagsilbi bilang spokesperson, undersecretary at chief of staff noong pamunuan ni Duterte ang DepEd.
“Pagdating naman po sa confidential funds, hindi na po ako na-involve do’n. Marami rin pong nagsasabi, “Bakit hindi ko tinanong?” Actually, nung spokesperson pa lang po ako, nagtatanong na po ako sa Vice Presidente, “Ano po ang sasagutin ko sa media ‘pag tinanong sa akin ‘yung confidential funds?” Ang sabi po niya, “Sabihin mo lang na ginagamit ‘yan for anti-insurgency, anti-ganito.” ani Poa.
“Sabi ko, “Pano po ‘pag humingi ng detalye?” Ang sabi sa akin, “Ang mga detalye na ‘yan, hindi dapat sinasabi, sinasabi sa publiko kasi maje-jeopardize hindi lang tayo, pero ang intelligence community.” So for me, ang basa ko naman do’n, ayaw niyang i-share sa akin ‘yung details, so hindi na ako nagpumilit alamin pa,” saad pa niya.
Sinabi pa ni Poa na hindi rin niya alam na may security officer ang DepEd kung saan ibinigay ni dating Special Disbursing Officer Edward Fajarda ang confidential funds noong 2023.
Nalamang lang umano ang trabaho ni Col. Dennis Nolasco noon sa pagdinig sa Kamara noong Oktubre 2024.
“Si Colonel Nolasco, actually, hindi ko siya nakita sa DepEd n’ung mga panahon na nandito ako. Hindi ko siya kilala at all. Si Colonel [Raymund Dante’ Lachica, to be fair, kilala ko po siya kasi nag-courtesy call siya as the commander of VPSPG (Vice Presidential Security and Protection Group),” ayon pa kay Poa. (Dindo Matining)


