Masaya at malungkot ang aktor na si Martin del Rosario sa nalalapit na pagpapalabas ng pelikulang “Poon.”
Masaya si Martin dahil matapos ang halos tatlong taon ng paghihintay at paggawa, mapapanood na rin ng publiko ang pelikula. Para sa aktor, sulit ang matagal na paghihintay para sa proyektong ito.
Kasabay ng kanyang saya ay ang lungkot dahil bigla niyang naalala ang dalawa sa kanyang mga nakasama sa pelikula na pumanaw na at mga ito ay ang mga batikang aktor na sina Ronaldo Valdez at Jaclyn Jose.
Si Martin ang gumanap bilang batang karakter ni Ronaldo Valdez sa pelikula. Para sa kanya, isang malaking karangalan ang mabigyan ng pagkakataong gampanan ang naturang papel at makatrabaho ang mga batikang artista ng industriya.
Tampok sa “Poon” ang isang powerhouse cast na kinabibilangan nina Gina Pareño, Janice de Belen, Lotlot de Leon, Allen Dizon, Ara Mina, JC de Vera, Bembol Roco, gayundin ang yumaong acting greats na sina Jaclyn Jose at Ronaldo Valdez.
Bukod sa mga batikang artista at kay Martin, tampok din sa pelikula sina Kelvin Manalili, Miranda Althea Ablan, Joao Constancia, Nella Dizon, Kiko Ipapo, Kristel Moreno, Rico Barrera, Iyah Mina, William Lorenzo, Tabs Sumulong at Will Ashley.
Para kay Martin, isa sa mga pelikulang naging makabuluhan sa kanya ang “Poon,” hindi lamang dahil sa karakter na kanyang ginampanan kundi dahil na rin sa mga alaala at samahang nabuo niya kasama ang dalawang yumaong artista.
Mapapanood ang “Poon” sa mga sinehan nationwide simula September 9. (Rodel Fernando)


