WebClick Tracer

Kamara inaprubahan panukalang pagpapahaba ng termino ng mga opisyal ng barangay, SK

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na naglalayong pahabain mula apat hanggang limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Inaprubahan ang House Bill 10971, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 12232, sa pamamagitan ng viva voce voting sa sesyon ng plenaryo nitong Miyerkules.

Inililipat ng panukala ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028, at magiging kada limang taon ang halalan pagkatapos nito.

Sa ilalim ng panukalang batas, ituturing na nakumpleto na ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay ang isang termino dahil sa dalawang taong extension. Ang mga incumbent na nagsisilbi sa kanilang ikatlong magkakasunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo para sa parehong posisyon sa 2028.

Mananatili naman ang umiiral na limitasyon na tatlong termino para sa mga opisyal ng barangay at isang termino para sa mga opisyal ng SK.

Itinatakda rin ng panukala na ang anumang hindi nagastos na pondo ng Commission on Elections para sa pagsasagawa ng BSKE sa Nobyembre 2026 ay ituturing na continuing appropriations at mananatiling magagamit upang pondohan ang mga preparatory activity para sa 2028 National and Local Elections, gayundin ang iba pang kaugnay na gastusin. (Billy Begas)