WebClick Tracer

Hollywood ipinasilip Walk of Fame star ni Lea Salonga

Ipinasilip ng Hollywood ang star ni Lea Salonga sa Walk of Fame nitong Miyerkoles, Setyembre 2, ilang araw bago ang makasaysayang unveiling nito.

Nakatakdang ilantad ang star ni Lea sa Biyernes, 11:30 ng umaga Pacific Standard Time, o Sabado, 2:30 ng madaling araw sa Pilipinas.

Idaraos ang seremonya sa 6225 Hollywood Boulevard, sa harap ng Hollywood Pantages Theatre sa Los Angeles, California.

Inabisuhan naman ang fans na nais dumalo na pumila sa kabilang kalye mula sa venue, sa tabi ng Dunkin’ Donuts sa silangang bahagi ng Argyle Avenue.

Si Lea ang magiging kauna-unahang Pilipino na magkakaroon ng sariling bituin sa Hollywood Walk of Fame at ika-2,855 personalidad na tatanggap ng naturang pagkilala. Mapapabilang ang kanyang star sa Live Performance category.

Kilala si Lea sa kanyang mga pagganap sa Broadway at bilang singing voice nina Princess Jasmine sa “Aladdin” at Mulan sa “Mulan.”

Kamakailan, naging bahagi rin siya ng 20th anniversary concert ng Hong Kong Disneyland, kung saan itinanghal niya ang ilang iconic songs mula sa Disney. (AC)