WebClick Tracer

2 SUV na may pekeng AFP, LTO plaka huli ng LTO

Nasabat ng Land Transportation Office ang dalawang sasakyan matapos maaktuhang gumagamit umano ng mga pekeng plaka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at LTO.

Bahagi ito ng pinaigting na enforcement operations ng ahensiya laban sa paggamit ng mga hindi awtorisadong plaka sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief Markus Lacanilao.

Natuklasan sa isinagawang operasyon na nakatago sa loob ng mga sasakyan ang kanilang mga orihinal na plaka habang ang mga hindi awtorisadong plaka ang nakakabit at ginagamit sa kalsada.

Bukod dito, nakumpiska rin sa mga nasabing sasakyan ang pekeng conduction sticker, mga blinker at “wang-wang”, na pawang isinailalim sa kaukulang beripikasyon at dokumentasyon ng mga operatiba.

Nakita rin sa mga sasakyan ang ilang sticker na may pangalan o nagpapahiwatig ng kaugnayan sa isang miyembro ng Kongreso. Kasama rin itong sinusuri upang matukoy ang pinagmulan at layunin ng paggamit ng naturang mga pagkakakilanlan.

Kaugnay nito, pansamantalang inilagay sa kustodiya ng LTO ang dalawang sasakyan at isasailalim sa kaukulang proseso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at ang kaugnay na mga paglabag. (IS)