Nilinaw ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang sorpresa niyang pagbanggit sa Miami Heat habang pinag-uusapan ang NBA future ni Kai Sotto, na aniya ay resulta lamang ng isang pribadong usapan nila ng 7-foot-3 center.
Sa eksklusibong panayam sa programang “The Scorecard” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Cone na nakipag-usap siya kay Sotto sa hallway bago magsimula ang postgame press conference matapos ang panalo ng Pilipinas kontra Iran.
Kaugnay ito ng sinabi ni Cone kay Sotto na “I’ll talk to Miami, see what I can do.”
Inihayag naman ni Cone na pinag-usapan umano nila ang susunod na hakbang sa career ni Sotto, kabilang kung tatahakin nito ang NCAA route o ipagpapatuloy ang paghahabol sa NBA.
“So I mistakenly, very mistakenly, said something about Miami without thinking about the microphones being there,” ani Cone.
Hindi umano niya inakalang maririnig ng media ang kanyang sinabi at agad itong kumalat sa publiko.
“I thought, honestly, I was shocked it came out publicly, and I hope Miami doesn’t kill me for it,” biro ng coach.
Binigyang-diin naman ni Cone na hindi nangangahulugan ang kanyang pahayag na may pormal siyang papel sa recruitment ni Sotto sa Heat.
Aminado rin siyang wala siyang sapat na relasyon sa Miami para personal na irekomenda ang Filipino center.
Gayunman, nananatili ang matibay niyang paniniwala sa kakayahan ni Sotto.
“I truly believe he is an NBA player. He should be in the NBA,” sabi ni Cone.
Para kay Cone, maaaring kailangan lamang ni Sotto ng tamang oportunidad at timing upang tuluyang makapasok sa NBA.
“It’s just a matter, oftentimes, for the NBA to be in the right place at the right time,” dagdag niya. “And getting help to be there is really important.”
Kasalukuyang free agent si Sotto matapos tulungan ang Gilas Pilipinas na makuha ang back-to-back victories kontra Jordan at Iran sa FIBA World Cup Qualifiers.
Panoorin ang buong panayam kay Cone sa August 31 episode ng “The Scorecard”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 10:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


