Sumipa ang presyo ng mga ticket para sa US Open Session 6 matapos maisama sa schedule si Pinay tennis star Alex Eala, na kasalukuyang World No. 18 at No. 17 seed sa torneo.
Ayon sa TicketData, umabot sa $385, o tinatayang P24,000 ang pinakamurang ticket o “get-in price” para sa naturang session noong Lunes ng hapon.
Ito ay katumbas ng 132% na pagtaas sa loob lamang ng tatlong araw.
Umabot pa sa $468 o tinatayang P29,000 ang presyo noong Linggo matapos ilabas ang first-round order of play na nagtakdang maglaro si Eala sa Louis Armstrong Stadium.
Malaki ang naging interes kay Eala, lalo’t nagmula siya sa breakthrough season na kinabibilangan ng kanyang unang WTA singles title sa DC Open at mga panalo laban kina Jessica Pegula at Iga Świątek.
Kapansin-pansin din ang kanyang hatak sa Pinoy fans sa US, kung saan sa “Stars of the Open” exhibition noong nakaraang linggo ay halos napuno ang Arthur Ashe Stadium para sa event, kung saan kabilang si Eala sa mga tampok na manlalaro.
Samantala, nananatiling halos steady ang average get-in price para sa buong US Open, na nasa $284 o tinatayang P17,000. Mas mataas ito ng 14.5% kumpara sa nakaraang taon.
Gayunman, maaari naman umanong magbago ang presyo ng resale tickets depende sa magiging takbo ng torneo at sa mga malalaking pangalan na maagang matatanggal. (AM)


