WebClick Tracer

Angel Castro mala-Rufa Mae Quinto

May likas na talent sa pagpapatawa ang VMX star na si Angel Castro. Kahit hindi siya umaarte on cam, hindi niya kailangang pilitin ang sarili para makapagpasaya dahil natural sa kanya ang pagpapatawa.

Maging ang simpleng mga banat at jokes niya ay agad kinagigiliwan ng mga nakapaligid sa kanya. Kaya naman hindi maiwasan ng ilan na ikumpara siya kay Rufa Mae Quinto.

Maganda, sexy at sosyalan ang dating ni Angel pero hindi siya bastusin. Para sa aktres, isang malaking compliment ang pagsasabing maaari siyang sumunod sa yapak ni Rufa Mae. Pangarap din niyang mabigyan ng pagkakataong makagawa ng mas maraming comedy films.

Bukod sa comedy, nais din ni Angel na subukan ang thriller at horror. Isa raw talaga ito sa kanyang mga dream role at umaasa siyang mabibigyan siya ng pagkakataong maipakita ang kanyang versatility bilang artista.

Samantala, kasama si Angel sa pelikulang “Sex Drive,” sa direksyon ni Bobby Bonifacio Jr., kasama sina Apphle Celso, Benz Sangalang at Juan Paolo Calma.

Sa pelikula, tampok sina Kelly (Angel Castro) at Sasha (Apphle Celso), dalawang magkaibigang maglalakbay sa isang road trip na puno ng freedom, self-discovery at mga bagong karanasan. Sa kanilang paglalakbay ay makikilala nila si Carts (Benz Sangalang), na magiging bahagi ng kanilang adventure.

Ngunit hindi lahat ng kanilang mararanasan ay puro saya. Sa pag-usad ng kanilang journey, haharap sila sa panlilinlang, sakit, takot at trauma.

Mapapanood na ngayon ang “Sex Drive” sa VMX. (Rodel Fernando)