WebClick Tracer

Djokovic naiyak, laglag sa unang round ng US Open

Hindi napigilan ni tennis legend Novak Djokovic na maiyak matapos siyang matalo kay Mariano Navone ng Argentina sa unang round pa lamang ng US Open 2026.

Unti-unti na ngang nakakaapekto sa 39-anyos na tennis great ang kanyang edad.

Nahirapan si Djokovic sa kanyang pisikal na kondisyon habang naglalaro, kabilang ang pagsusuka, cramps at pananakit ng katawan. Uminom pa siya ng gamot habang naglalaro.

Sa kabila ng kanyang pagtitiyaga, tinalo siya ng 49th-ranked na si Navone, 7-6 (7-5), 5-7, 4-6, 6-2, 6-1, sa isang maalinsangang laban sa New York.

Ito ang unang pagkakataon na natalo si Djokovic sa opening round ng US Open at unang beses mula 2006 na hindi siya nakalusot sa unang round ng isang Grand Slam tournament.

“I think it was obvious that it was an awful feeling on the court for me,” ani Djokovic, na nagsabing hindi siya nasiyahan sa kanyang sarili sa laban.

Ayon sa dating world number one, matagal na niyang nararanasan ang mga problemang ito sa kanyang mga laban ngayong taon.

Nakangiti pa ring binati ni Djokovic ang 25 taong gulang na si Navone subalit hindi rin niya naitago ang kanyang labis na kalungkutan.

Hindi naman nawala ang respeto ng fans sa undisputed tennis legend. Bago umeksit ay pinabaunan siya ng hiyawan, palakpakan at standing ovation ng mga nanood ng laban.

Si Djokovic ang may hawak ng rekord para sa pinakamaraming Grand Slam singles titles sa men’s singles category, na may kabuuang 24 na titulo. (IS)

KW: Novak Djokovic Mariano Navone Argentina unang round US Open 2026