Nadismaya ang isang bakery owner sa Vancouver kay dating NBA player Ron Artest, na kilala ring si Metta World Peace, at sa asawa nitong si Maya matapos umano nitong humingi ng custom birthday cake kapalit ng social media exposure.
Ayon kay Fanny Lam, owner ng Oh Sweet Day! bakery, nakatanggap siya ng email mula sa isang taong nagpakilalang assistant ng mag-asawa para sa birthday celebration ng kanilang anak sa Richmond.
Inalok umano ang bakery ng “collaboration”, kung saan gagawa sila ng custom cake kapalit ng pagpo-post ng pamilya tungkol sa selebrasyon sa kanilang social media accounts.
Tinatayang nagkakahalaga ng $200 hanggang $300 ang cake, ayon kay Lam, na nagpahayag ng pagkadismaya dahil aniya, isang maliit na negosyo ang inaasahang gumastos para sa isang pamilyang mas may kakayahang magbayad.
Matapos mag-post si Lam tungkol sa insidente sa Instagram, sinabi niyang nakipag-ugnayan sa kanya si Maya.
Gayunman, hindi umano ito naglaman ng paghingi ng tawad sa naturang request, kundi paliwanag lamang na ipinadala ito ng isang assistant nang hindi nila alam. (AM)


