Timbog ang isang 32-anyos na lalaki matapos umanong maglagay ng nakatagong recording device sa loob ng comfort room ng isang workplace sa Malate, Maynila.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Malate Police Station bandang alas-9 ng gabi noong Agosto 25.
Isang 39-anyos na babaeng empleyado ang nakakita ng maliit na itim na device na nakatago sa likod ng toilet bowl matapos siyang maligo sa banyo ng isang laboratory company sa Leon Guinto Street, Barangay 724.
Batay sa paunang imbestigasyon, may memory card ang naturang device. Matapos magsagawa ng online search ang biktima at mga katrabaho, lumabas umano na ang device ay maaaring isang miniature recording camera.
Nang suriin ang laman ng memory card, nakita umano rito ang mga video na nagpapakitang nakahubad ang biktima habang nasa loob ng comfort room.
Mayroon din umanong footage na nagpapakitang inilalagay ng suspek ang device sa loob ng naturang pasilidad.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa Barangay 724 at ini-report ang insidente sa pulisya. Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad na humantong sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska ang recording device at memory card at isinailalim ang mga ito sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Nasa kustodiya na ng Malate Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong may kinalaman sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009. (IS)


