Umabot sa halos P36.2 milyong halaga ng pinaghihinalaang ilegal na droga ang nasabat mula sa 13 inbound parcel na “unclaimed” o hindi kinuha sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Central Mail Exchange Center noong Agosto 24.
Ayon sa PNP Aviation Security Group, naging daan ang mga hindi na-claim na parcels upang magsagawa ng drug interception ang mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Galing sa Netherlands, United States, Germany, India, Thailand at Poland ang mga package na nakapangalan sa iba’t ibang recipient mula sa Pasay City, Parañaque City, Bacoor City, Tanza, Manila, Quezon City, Rizal at Mandaluyong City.
Nakakita ang mga tauhan ng Bureau of Customs ng kahina-hinalang mga imahe sa isinagawang X-ray screening sa mga parcel kaya naman isinailalim ang mga package sa karagdagang pagsusuri.
Nagpositibo sa indikasyon ng posibleng ilegal na droga ang mga ito matapos ialerto ng isang PDEA narcotics detection dog.
Dahil dito, isinagawa ang manual examination sa 13 parcels.
Sa pagsusuri, narekober ang tinatayang 9,695 gramo ng pinaghihinalaang ilegal na droga at 3,756 tableta ng hinihinalang MDMA.
Kabilang sa mga nakumpiska ang marijuana kush, shabu at ketamine.
Batay sa standard drug price, tinatayang nasa P36,159,900 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang substance. (IS)


