Tila idinaan na lang ng aktres at content creator na si Ivana Alawi sa pagsasayaw ng budots ang kinakaharap nitong isyu sa nag-viral na pamimigay niya ng mamahaling cellphone ka-partner ang isang online gaming company. Sa latest news kasi, nagmulta ng P1 million ang naturang site dahil maituturing na unauthorized ang pa-raffle na iyon.
“We fined the online gaming company P1 million… and gave them a stern warning na hindi na dapat maulit ito,” ayon kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and CEO Alejandro Tengco sa budget deliberations sa House of Representatives nitong Agosto 24.
Matatandaang pumatok ang pagbili at nakatakdang pamimigay via raffle ng aabot sa 100 piraso ng iPhone 17 ni Ivana, na may kondisyon na i-follow ang isang online gaming site. Bagama’t marami ang umasa na papalaring mapili at manalo nito, may mga kinondena naman ang anila’y pagpo-promote ng aktres ng sugal.
Sa Facebook page naman ni Ivana matapos lumabas ang balitang iyon, nag-post siya ng isang video niya na sumasayaw ng budots sa saliw ng kanta na may titulong “Tatlong Wife” ni Bugoy na Koykoy.
“What a life [red heart emoji],” caption naman dito ni Ivana.
Bahagi ng lyrics ng kanta na iyon:
“Rinig mo aking pangalan sa sosyalan o sa slums
Lampake sa guerra ng iba focus sa aking funds
Love nila ako sa streets pero hate nila sa page
Doesn’t matter kasi importante ako’y laging paid.”
Say naman ng mga follower ni Ivana sa post niyang iyon:
“Tumulong ka na tapos pagmumultahin ka pa haha kahit ako mapapasayaw talaga jan e.”
“Sinayawan lang kayo ni Ivana HAHA.”
“Bagay sa balita hahaha!”
Ikinatutuwa rin ng mga netizen ang latest content nito kung saan bumili siya ng grocery na umabot sa halos P200K na nakatakda naman niyang ipamigay sa mga nasalanta ng bagyo at habagat nitong mga nakakaraang araw. (Jun Lopez)


