WebClick Tracer

Suspek na wanted sa murder dedo sa operasyon sa Maguindanao del Sur

Dedo ang isang suspek na wanted sa kasong murder matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagsisilbi ng warrant of arrest sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong madaling-araw ng Linggo.

Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang suspek na si alyas “London”, na may warrant kaugnay ng kasong murder na isinampa noong 2014. Nagpaputok umano ito matapos magpakilala ng mga pulis at sabihan na sumuko nang mapayapa.

Gumanti naman ng putok ang mga operatiba. Isinugod sa isang medical facility ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival.

Nasugatan din umano ang kanyang misis sa palitan ng putok at kasalukuyang ginagamot at tinutulungan ng mga pulis.

Samantala, naaresto ang isa pa nilang kasama na alyas “Cobra” matapos makuhanan umano ng isang hand grenade. Nahaharap ito sa kaukulang kaso.

Iniutos ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga kaukulang unit na tiyaking maayos na maidokumento at masuri ang insidente, partikular ang pagkakasugat ng misis ng suspek. (AC)