Walang security lapses o pagkakamali sa pagpapatupad ng seguridad ang Ateneo de Zamboanga University, ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla.
Kaugnay ito ng pamamaril ng isang estudyante sa loob ng campus kamakailan.
Ayon kay Remulla, tila napagplanuhang maigi ng gunman kung kailan papasok sa eskuwelahan.
Nagsisimula raw ang klase roon ng 7:30 ng umaga at pumasok ang gunman ng 7:50 AM, ayon pa kay Remulla.
Dagdag niya, sa emergency exit dumaan ang gunman na tiyempong bukas na dahil nagsimula na ang klase.
“In the case of Ateneo, they did everything right. They only open it when school started, and that is according to law. Dapat ang emergency exits bukas ‘yun, eh. Doon siya pumasok sa emergency exit… again, Ateneo did everything right. They open the… they only unlocked the gates when school started.
“Ang normal protocol is nasa gates na lang ang mga security guard, wala na sa floors,” saad ni Remulla.
“They did everything correctly… PNP was there too. Two PNP cars were outside, PNP personnel were outside,” dagdag pa niya.
Sabi pa ni Remulla, consistent din ang Ateneo sa pag-check ng bag ng mga bata.
“Consistent ‘yan… tiningnan namin ‘yung protocol nila. ‘Pag papasok ka sa pedestrian, titingnan ‘yung bag mo. Bago ka pumasok ng kahit anong building, itse-check din ‘yung bag mo. So, minsan dalawang beses pa tsini-check ‘yung bag mo. Nakahanap lang talaga siya [gunman] [ng tiyempo], alam niya na ‘yung fire escape pumunta,” anang kalihim. (IS)


