WebClick Tracer

TPLEX extension pinatatapos ni PBBM bago magwakas termino

Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matapos hanggang 2028 ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Extension Project.

Ito ang inihayag ng Pangulo matapos ipresenta sa kanya sa Malacanang ang pirmadong concession agreement ng proyekto na pinondohan ng P23.26 billion.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na sa sandaling matapos ang poyekto ay mababawasan ang travel time sa pagitan ng Rosario at San Juan , La Union mula sa kasalukuyang 90 minuto at magiging 40 minuto na lamang.

Dahil dito, hiniling ng Pangulo sa San Miguel Holdings Corporation sa pamamagitan ni RSA Chairman and CEO Ramon S. Ang na kumpletuhin ang TPLEX Extension Segment 1 at iba pang sections batay sa schedule.

” I appeal to the San Miguel Holdings Corporation to complete the TPLEX Exension Segment by 2028 and all other sections as scheduled,” anang Pangulo.

Bukod sa mabilis na biyahe, sinabi ng Presidente na aasahang dadami ang mga turistang magtutungo sa La Union at sisigla ang ekonomiya hindi lamang sa La Union kundi sa iba pang lugar sa Norte.

Magiging madali na rin aniya ang pagkilos ng pagkain sa Southern Luzon sa sandaling matapos ang proyekto.

Ang TPLEX Extension ay Public- Private Partnership sa pagitan ng Department of Public Works and Highways at San Miguel Holdings Corporation, kasama ang SMC TPLEX Extension Infrastructure Corporation. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on