WebClick Tracer

Mayor ‘ignorante’ sa iligal na aktibidad ng Porac POGO hub

Pinanindigan ni Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil na hindi siya nakatanggap ng liham mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng iligal na aktibidad sa isang hotel kung saan nag-o-operate ang Philippine Offshore Gaming Operators na Lucky South 99 Corp.

Ginawa ni Capil ang pahayag matapos sabihin ni CIDG Pampanga chief Police Major Arvin Hosmillo sa pagdinig ng Senate committee on women, na nagpadala siya ng liham sa Office of Business Permit and Licensing Office noong Hulyo 14, 2021 matapos magsumbong ang dating empleyado ng Royal Hotel sa pulis tungkol sa iligal na aktibidad doon.

“Mayroon pong walk-in informant na in-entertain po namin sa aming opisina, alleging’ yung illegal activities sa Royal Hotel, which I believe ngayon ay Aramis Hotel. Accordingly, mayroon pong cryptocurrency investment scam, serious illegal detention, human trafficking, and illegal drug activities doon sa hotel na ‘yun,” sabi ni Hosmillo sa komite.

“So as part of our case build up, minabuti namin na sumulat sa LGU in order to verify and obtain documents, materials sa aming investigation,” dagdag niya.

Subalit sinabi ni Hosmillio na hindi sila nakatanggap ng sagot sa kabila matapos itong matanggap ng naturang tanggapan noong Hulyo 19, 2021.

Nanindigan naman si Capil na wala siyang natanggap na liham mula sa CIDG Pampanga. “With all honesty and with due respect, wala talaga pong nakarating na letter sa akin,” sabi ni Capil matapos tanungin ni Senador Sherwin Gatchalian.

Sabi pa ni Gatchalian, lumalabas na tila may “special treatment” ang Lucky South 99 sa kabila ng red flags mula sa CIDG Pampanga subalit itinanggi naman ito ni Capil.

“Hindi po totoo ‘yan. Kahit nung January 2024, kung may special treatment lang po sila, hindi na po namin sila inisyuhan ng permit your honor. Kaya six months before the raid, wala na po silang permit sa amin,” saad ng alkalde. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on