WebClick Tracer

Marcoleta hindi pinapa-demolish ang Comelec

Hindi raw motibo ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta na mabuwag ang Commission on Elections (Comelec) sa inihayag niyang may isang opisyal umano nito ang tumanggap ng P1 billion mula sa iba’t ibang foreign bank, kabilang na ang South Korea, kung saan nakabase ang Miru Systems.

Sinabi niya ito sa panayam sa programang “Easy Lang” sa Abante Radyo.

“Bakit ko ide-demolish ang Comelec? Ano naman ang katuwiran para i-demolish ang Comelec? Ang Comelec ay isang independent body, constitutional body. Hindi puwedeng i-demolish ang Comelec. Bakit naman natin gagawin ‘yun? Unang-una, ang kanilang pinaka-chairman, si George Garcia, kaibigan ko ‘yan. Matagal na kaming magkakilala, matagal na kaming magkaibigan,” pahayag niya.

Paglilinaw ni Marcoleta, wala siyang balak na buwagin ang Comelec dahil ang layunin ng pagbubukas niya ng usapin ay upang maberipika ang impormasyong nakarating sa kanya.

“Paano ko ide-demolish? Hindi ‘yan ang objective dito. Ang objective dito ay ang impormasyong nasagap ng aking opisina na kailangan nating i-verify. ‘Yun lang,” wika niya.

Saad pa ni Marcoleta, sang-ayon siya sa sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na paimbestigahan sa National Bureau of Investigation ang pinagmulan ng issue.

Nais lamang daw niya ng patunay na matagumpay nang nagamit sa ibang hurisdiksyon o lugar ang mga makinang gagamitin sa 2025 elections na isang “hybrid”.

Sinabi pa ni Marcoleta, hindi dapat mangamba sa posibilidad na hindi makapagdaos ng halalan dahil “validity” lang naman ng mga makina at kung sumunod ba ito sa batas ang kinukuwestiyon nila.

TELETABLOID

Follow Abante News on