WebClick Tracer

Hindi nakapunta sa hearing pero nakapanood ng basketball: Kapitan sinita sa Kamara

Sinita ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang isang kapitan ng barangay na nabigong dumalo sa pagdinig ng komite dahil sa kanyang medical condition pero nagawang manood ng basketball championship ng sumunod na araw.

Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Miyerkoles, kinumpronta ni Paduano si Ramolito Bautista, na inimbita sa pagdinig kaugnay ng P3.6 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang warehouse sa barangay San Jose Malino sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.

“I’ll just like to remind you that you shouldn’t lie. Ano ka na sa akin, strike two ka na. Alam mo bakit? Because when you were invited and you were asked to be excused during that previous hearing, nagpadala ka dito ng excuse letter because of your medical condition,” sabi ni Paduano.

“Pero nandoon ka nanood ng basketball, championship. Do you confirm that you are indeed present there? Sabihin ko sa iyo ha, don’t lie because strike two ka na,” sabi ng solon.

Hindi itinanggi ni Bautista na nanood ito ng basketball match.

“Bale po, the other day po no’n mayroon po akong check up, kaya medyo, ano po diehard po kasi ako ng basketball at pinilit ko pong manood,” sabi ni Bautista.

Giit naman ni Paduano, “Bakit pinilit mong dumalo do’n, manood sa basketball kaysa pumunta sa hearing? And your reason to be excused is that may problema ka, medical. So you’re lying.”

“Do you confirm that you watched the championship game between Pampanga ata tsaka San Juan?” tanong ni Paduano.

Kinumpirma ito ni Bautista at humingi ng paumanhin sa kanyang ginawa.

Ipinatawag ng komite si Bautista upang kilalanin si Willie Ong, ang inaakusahang Chinese drug lord na may-ari ng Empire 999 Realty Corporation, ang kompanyang may-ari ng warehouse kung saan nakuha ang P3.6 bilyong shabu.

Sinabi ni Bautista na ilang beses nitong nakita si Ong nang mag-apply ito ng mga permit para sa kanyang warehouse.

Si Ong ay ipinaaaresto na ng komite dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on