WebClick Tracer

Acierto idiniin si Michael Yang sa droga, inakusahan si ex-President Duterte na pinapapatay siya

Iginiit ni dating Police Colonel Eduardo Acierto ang alegasyon nito na dawit ang negosyanteng si Michael Yang, ang dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa iligal na droga.

Dumalo online si Acierto sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Miyerkoles kaugnay ng P3.6 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.

Sa kanyang opening speech, sinabi ni Acierto na siya ay isang anti-drug crusader at dating miyembro ng Anti-Illegal Drug Group ng Philippine National Police (PNP).

“Ako din po ang parehong Police Col. Eduardo Acierto na matagal nang pinapahanap at pinapapatay ng dating Pangulong Duterte sa militar at kapwa ko police,” sabi ni Acierto.

Si Acierto ay nagtatago mula pa noong 2019 dahil ipinapapapatay umano siya ni Duterte.

“Sila Michael Young at Allan Lim na malapit nilang kaibigan ni Sen. Bong Go. Ako po at kasamahan kong si Police Capt. Lito Perote ang nakadiskubre ng mga illegal na aktibidad at gumawa ng report tungkol kay Michael Yang at Allan Lim,” sabi ni Acierto.

Ayon kay Acieto nawala si Perote matapos silang gumawa ng ulat kaugnay ng iligal na gawain ni Yang at business partner nito na si Lim. Pinaniniwalaan umano na patay na si Perote.

“Matagal na akong natatakot para sa aking buhay dahil ako ay pinapapatay ni Duterte. Sila po ay maimpluensya hanggang ngayon,” sabi pa ni Acierto.

Ayon kay Acierto pinuprotektahan nina Duterte, Go, at noon ay PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa ang illegal drugs network na nag-o-operate sa bansa.

“They allowed the entry of large volumes of illegal drugs through our ports and supported the syndicates by defending them, targeting those that go against them, and playing dumb to true justice,” sabi pa nito.

“Nakita ko po sa panahon ni Pangulong Marcos nagkaroon ng hustisya sa kaso ni Sen. Leila de Lima. Nanalangin po ako na sana din magkaroon ng hustisya ang aking kaso at magkaroon ng accountability sa mga kasalanan ni Duterte, Bong Go at Bato de la Rosa,” dagdag pa ni Acierto.

Ginamit din ni Acierto ang pagkakataon upang pasinungalingan ang mga alegasyon sa kanya

“Hindi po ako protektor ng sindikato ng droga. Hindi ako kidnapper, wala akong ginugot o pina-ransom ng drug personalities,” giit nito.

Si Yang ay iniuugnay sa isang incorporator ng Empire 999 Realty Corp., ang may-ari ng warehouse kung saan itinago ang P3.6 bilyong halaga ng shabu. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on