WebClick Tracer

Sunog na SUV sa Tarlac, sasakyan ng nawawalang beauty pageant candidate, Israeli boyfriend

Sa nawawalang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2023 candidate Geneva Lopez at Israeli boyfriend nito na si Yitshak Cohen ang sasakyang natagpuang sunog at inabandona sa Capas, Tarlac.

Ayon sa Capas, Tarlac PNP, nakita sa may bahagi ng backseat ng sunog na SUV ang isang hindi masyadong natupok na pouch na may lamang ATM card na nakapangalan sa nawawalang dalaga at may kasama pang larawan.

Ayon sa Capas police, nai-report sa kanila ang nasusunog na sasakyan noong Sabado ng alas-2:43 ng madaling-araw at nang kanilang respondehan ay halos sunog na ang buong sasakyan.

Pero kinumpirma ng mga ito na walang taong nasunog sa loob nito.

Nang kanilang tuntunin ang pangalan sa social media, noon lamang nila nakumpirma na reported missing ang 27-anyos na dalaga at ang 37-anyos boyfriend nito na siyang nagmamaneho sa sasakyan nang umalis ang mga ito sa sa kanilang tirahan sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga noong Biyernes, Hunyo 21.

Ayon sa mga kaanak, patungo ang dalawa sa Capas para makipagkita sa isang Michael Angelo Guiang para sa kanilang bibilhing lupa doon.

Pero dumaan umano ang mga ito sa Barangay Cristo Rey, sa Capas para maakipagkita sa kanilang ahente.

Mula noon hindi na nakita at nakontak ang dalawa.

Kumuha na ang mga awtoridad ng sample ng debris ng sunog na sasakyan para ipasuri sa crime lab.

Patuloy din ang pangangalap ng CCTV footage ng mga tauhan ng Capas police at Angeles City police para malaman kung sino ang mga sakay ng SUV bago ito inabandona at sinunog. (Ylou Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on