WebClick Tracer

Pag-atake ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal, sinadya – Facundo

Intensyonal hindi aksidente.

Ito ang inihayag ni Seaman First Class Jeffrey Facundo ng Philippine Navy, ang sundalong naputulan ng daliri sa pinakahuling insidente ng pagharang at pangha-harass ng China Coast Guard sa mga sundalo Filipino sa Ayungin Shoal, sa ginawang pagdinig sa Senado nitong Martes.

“Hindi siya maitawag na aksidente mam eh, intentional mam eh, intentional yung pagbangga , pagbutas, pagsira,” tugon ni Facundo matapos tanungin ni Senadora Imee Marcos, chairperson ng komite na nanguna sa pagdinig.

Sabi ni Facundo, sinadya ng CCG ang pagbangga at pagbutas sa kanilang rigid hull inflatable boat (RHIB) para pigilan sila sa rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre.

“Ayaw na nila magparesupply at rotation sa Ayungin Mam. Ayaw kami pa-resuplayin, ayaw paakyatin… kasi…ano, babawasan na yung tao sa Ayungin. para sa akin yun ang intensyon,” sabi ni Facundo.

Idinitalye din ni Facundo sa pagdinig ang inabot na harassment mula sa mga tauhan ng CCG bago siya tuluyang naputulan ng daliri.

Aniya, limang minutong pa lamang nang itali ang RHIB pagdating sa Ayungin Shoal nang dumating ang RHIB ng CCG at agad silang binangga.

Sa pagtataya ni Facundo, walo ang RHIB ng China na may hanggang sampu na sundalo at habang inaatake sila ay may mga dala ang mga ito na maso, piko, kutsilyo, palakol at mga tubo na may mga matatalim sa dulo na mistulang karit.

“Yung nakita ko mam isang tao lang nakita ko na may ax. Halos lahat sa kanila may mahabang tubo na may matutulis sa dulo,” lahad ni Facundo,

“Yung kabilang RHIB binabangga na tapos tinutusok na mismong tube, yung tali na tinali sa Sierra Madre pinagpuputol nila mam. Pero di naman pumapayag tropa na putulin nila kaya nagkaroon ng labanan dun mam. Pero wala tayo armas na gamit,” saad pa niya.

Inamin din niya na may dala silang baril pero ito ay nakalagay lamang sa kahon at batay sa kanilang “rules of engagement” ay magpapaputok lamang sila ng baril kung una silang papuputukan.

“Ang advise samin mam magdala ng baril pero tago. Nilagay sa box mam. Kasi yun gagamitin namin kami papalit na tao sa Ayungin, dun na rin maiwan dalawang RHIB, kami kapalitan din,” sambit pa ni Facundo. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on