WebClick Tracer

6 priority measure ng LEDAC, uunahin ng Senado – Chiz

Uunahin ng Senado ang pagpasa sa anim sa natitirang 10 priority measure ng kinikilala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Ang anim na prayoridad ng panukala ng LEDAC na nakatakda para sa deliberasyon sa plenary at pag-apruba sa final reading sa Senado ay ang mga sumusunod: Blue Economy Act, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, amiyenda sa Universal Health Care Act, pagtatayo ng Department of Water Resources, Open Access in Data Transmission Act, and Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o CREATE MORE.

Itutulak din ni Escudero para maaprubahan ang tatlong Senate priority measures sa Common Legislative Agenda (CLA) ng LEDAC. Ito ay ang pag-amiyenda sa Right-of-Way Act (Republic Act 10752), Investors’ Lease Act (R.A. 7652), at ang Comprehensive Agrarian Reform Law (R.A. 6657).

Layunin ng pag-amiyenda ng R.A. 10752 na padaliin ang pagbibigay ng Right-of-Way para sa mga public project, habang ang pagbago sa R.A. 7652 ay magbibigay daan naman sa pagpayag sa pagpapaupa ng pribadong lupa ng hanggang 99 taon para makahikayat sa foreigner investment.

Samantala, pakay naman ng pag-amiyenda sa R.A. 6657 na iangat ang restriksiyon sa ownership at transfer of land na iginawad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program para mapalakas ang agricultural productivity.

“The amendments to these laws will provide the necessary legal framework to expedite infrastructure projects and attract more foreign investments, thereby creating more jobs and boosting our economy,” paliwanag ni Escudero.

“Lifting restrictions on agrarian reform lands will also help increase agricultural productivity and improve the lives of our farmers,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Escudero na kailangang ng karagdagang paglilinaw sa apat na LEDAC measures – ang Waste-to-Energy (Senate Bill No. 2267), Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (SB No. 2034), Unified System of Separation, Retirement, and Pension of Military and Uniformed Personnel (SB No. 2501), at ang E-Government Act /E-Governance Act. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on